Kabuhayang Handog ng OWWA para sa mga OFW at Mahal Nila sa Buhay

Kabuhayang Handog ng OWWA para sa mga OFW at Mahal Nila sa Buhay

Nagbukas ng panibagong oportunidad ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) at Small Business Corporation (SB Corp) sa pamamagitan ng OFW Negosyo Fund — isang financial assistance program na idinisenyo upang suportahan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang pamilya sa pagtatayo at pagpapalawak ng negosyo sa Pilipinas.

Sa programang ito, maaaring makahiram ang mga kwalipikadong aplikante ng puhunan na nagsisimula sa ₱30,000 hanggang ₱300,000 para sa mga bagong negosyo. Samantala, ang mga existing Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) na pagmamay-ari ng OFWs ay maaari namang makakuha ng loan assistance na hanggang ₱20 milyon depende sa pangangailangan at kapasidad ng negosyo.

Ayon sa SB Corp, ang programa ay may mababang interest rate na 1% kada buwan gamit ang diminishing balance computation, kasama rin ang flexible payment options na maaaring umabot hanggang limang taon. May inilaan ding grace period upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga benepisyaryo bago magsimula sa pagbabayad.

Maaaring mag-apply ang sumusunod:

  • Mga Overseas Filipino Workers (OFWs)
  • Mga kapamilya ng OFWs
  • OFW-owned MSMEs
  • Mga bagong negosyo o rehistradong negosyo na kasalukuyang tumatakbo

Kabilang naman sa mga pangunahing requirements ang:

  • Valid government-issued ID
  • Mayor’s Permit o business permit
  • Proof of bank account
  • Corporate documents kung kinakailangan

Layunin ng OFW Negosyo Fund na tulungan ang mga OFW at kanilang pamilya na magkaroon ng mas matatag at pangmatagalang pagkakakitaan sa pamamagitan ng pagnenegosyo, lalo na para sa mga nagnanais magkaroon ng sustainable income pagbalik sa Pilipinas.

Para sa mga nais mag-apply, maaaring tingnan ang official platforms ng SB Corp para sa kumpletong detalye at guidelines ng programa.

Simpleng Paraan ng Pag-aapply:

  1. Ihanda at kumpletuhin ang basic requirements;
  2. I-download ang DTI SB Corp Money App sa Google Play o Huawei AppGallery;
  3. Maaari ring mag-apply online sa pamamagitan ng web app sa app.sbcorp.ph.